Humingi ng paumanhin si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Gui­llermo Eleazar kasunod ng naging aksyon nito nang iharap sa kanya ang isang pulis na inaresto dahil sa pangongotong sa isang drug suspect kapalit ng kalayaan nito.

Pero ayon sa opisyal, dapat lang umano ito kay Police Corporal Marlo Siblao Quibete dahil sa ginawa nitong kahihiyan sa Philippine National Police (PNP).

Giit pa ni Eleazar, walang lugar ang tulad ni Quibete sa hanay ng pulisya.

“Kinuwelyuhan ko, tiningala ko ang mukha at dinuro-duro ko. Eh dapat lang, he deserves that,” ani ­Eleazar.

Naaresto si Quibete, Miyerkoles ng madaling-araw sa entrapment operation na isinagawa ng PNP-Counter Intelligence Task Force dahil sa natanggap na reklamo ukol sa paghingi nito ng P200,000 sa nahu­ling suspek para mapalaya ito.

Kasunod naman ng pagkadakip kay Quibete, sibak din ang 15 pulis ng Eastern Police District (EPD) kung saan ito kabilang.