Tatlo na ang panukalang batas na nakahain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na pawang naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa Oktubre at mabigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-appoint ng officer-in-charge (OIC) sa lahat ng barangay.
Gayunpaman, sinabi ni House committee on suffrage and electoral reforms chairman Sherwin Tugna ng CIBAC party-list na dadaan ito sa masusing pag-aaral bago desisyunan kung aaprubahan o hindi.
“As the chairman of the committee on suffrage and electoral reforms, I assure everyone that we will study and dissect the proposals concerning the postponement of elections and the appointment of officers-in-charge who will manage the affairs of the barangays,” paniniyak ni Tugna.
Kabilang sa mga panukala ay ang House Bill 5395 na inakda ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, HB 5361 ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at HB 5380 na inihain naman ni ANAC-IP party-list Rep. Jose T. Panganiban Jr.
Sa ilalim ng panukala ni Barbers, nais nito na ipagpaliban ang Barangay at SK election hanggang 2020 at bigyan ng kapangyarihan si Duterte ng kapangyarihan na i-appoint ang mga pansamantalang mamumuno sa bansa.
Gayunpaman, mas mahabang panahon ang nais nina Velasco at Panganiban dahil kapwa ipinanukala ng mga ito na gawin ang eleksyon sa May 2023 o pagkatapos ng presidential election sa 2022.
“The repercussions of holding the barangay and SK elections in the same year as the national presidential elections cannot be ignored, as this will mean yet another release and expenditure of taxpayers’ money, on top of the substantial amounts already released and expended in the recently concluded national elections,” ayon kay Velasco.
Sinabi naman ni Panganiban na nararapat lamang na ipagpaliban ang Barangay at SK election sa gitna ng giyera kontra sa ilegal na droga upang hindi maiwasang gamitin ng mga drug lord ang halalang ito para suportahan ang mga kaalyado ng mga ito na tatakbong barangay officials.