“Red area” ang tawag ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga lugar kung saan kontrolado ng partido at mga pulang mandirigma ng New People’s Army (NPA) ang isang lugar, na puwedeng isang munisipyo at distrito kung saan mayroon nang nakakata­yong provisional revolutionary government (PRG) sa pamumuno ng CPP.

Election “hot spot” naman ang tawag ng Commission on Elections at Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na may kasaysayan ng karahasang politikal at puwedeng maging madugo ang panahon ng kampanya kung kaya inilalagay sa Comelec control ang mga nasabing lugar.

Sa kasalukuyanag kampanya para sa halalan sa Mayo 13, hindi na simpleng election “hot spots” ang tawag ng PNP at sa halip ay gumagamit na sila ng color coding para mas eksakto ang klasipikasyon sa mga naturang lugar mula kampanya hanggang araw ng eleksyon.

Ganito ang color coding scheme ng PNP: Red – areas of grave concern; Orange – ­areas of immediate concern; Yellow – areas of concern. Mas madali nga namang makita sa mapa ng Pilipinas kung ano ang mga lugar na red, orange at yellow lang klasipikasyon.

Yellow area ang tawag sa mga lugar kung saan may mga election-related ­violent incidents na nangyari sa nakalipas na dalawang eleksyon at may kasaysayan ng matin­ding ­bangayan sa politika na nagresulta sa pagkakalagay sa mga ito sa Comelec control.

Orange area ang tawag sa mga lugar na may aktibong presensya ang mga armadong grupo gaya ng NPA, Bangsa­moro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG) at mga break-away faction ng Moro National Liberation Front (MNLF) o Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Red area naman ang mga lugar na may kumbinasyon ng mga salik ng makikita sa Yellow at Orange areas.

Ayon sa PNP, umaabot sa 94 na mga siyudad at munisipalidad ang klasipikado bilang “red areas” na malaking pag-igpaw mula sa 19 “red areas” noon lamang Enero. Pero hanggang noong Martes, dalawa pa lamang sa mga “red areas” ang nasa ilalim ng Comelec control – Cotabato City at munisipalidad ng Daraga sa lalawigan ng Albay.

Umaabot naman sa 382 na mga syudad at munisipalidad ang “orange areas” samantalang 223 ang klasipikado sa ilalim ng “yellow areas.”

Sa 94 na “red areas” ng Comelec, 27 ang nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao; 19 sa Bicol; tig-pipito naman sa Calabarzon at Western Mindanao; tig-aanim sa Mimaropa at Western Visayas; lima sa Northern Mindanao; tig-aapat sa Soccsksargen at Cordillera; tatlo sa Eastern Visayas; tigalawa sa Central ­Luzon at Davao, at tig-iisa ang Caraga at Cagayan Valley.

Bagama’t walang “red” area sa Metro Manila at Ilocos Region, “yellow area” naman lang mga siyudad ng Mandaluyong, Manila, Caloocan, Malabon at Pasay.

Malaking hamon para sa PNP ang mapanatili ang katahimikan sa panahon ng kampanya at araw ng eleksyon para magi­ging makatotohanan ang magiging resulta sa mid-term elections na maituturing na “referendum” para kay Pangulong Rodrigo Duterte.