Anim na sports mula surfing, jiu jitsu, kurash, sambo, bridge at modern pentathlon ang tinanggap at kinilala bilang regular na miyembro ng pribadong ahensiya ng sports sa bansa na Philippine Olympic Committee (POC).
Inaprubahan ang anim na bagong National Sports Association (NSA) sa General Assembly ng POC na nag-Âangat sa voting members sa 51 kabilang ang dalawang miyembro ng Athletes’ Commission at International Olympic Committee (IOC) Representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski.
Sinabi ni POC President Bambol Tolentino na ang pagdagdag sa anim na sports ay nagkakaisang pinagbotohan.
Gayunman, hindi aprubado sa ibang opisyal ng NSA ang agad na pagdagdag sa anim na sports dahil nakatuon na ito sa paghahanda para sa nalalapit na isasagawang eleksiyon ng POC sa susunod na buwan kung saan ang anim ay halos kabilang sa mga kakampi ni Tolentino.
Matatandaan na ibinoto mahigit na apat na buwan pa lamang ang nakalilipas si Tolentino sa pagiging pangulo ng POC matapos na magbitiw sa kanyang puwesto ang dating presidente na si Ricky Vargas sa espesyal na General Assembly na ipinatawag mismo ng International Olympic Committee (IOC).
Ipinaliwanag ni Tolentino, na unang namahala sa pagpili ng mga paglalabanang sports sa kada dalawang taong Southeast Asian Games at kinikilala sa tulong nito sa pagwawagi sa overall crown ng ika-30 edisyon ng multi-sports na torneo, na ang anim na sports ay popular na isinasagawa sa rehiyon ng Asia. (Lito Oredo)