ITINANGGI ni Ella Cruz ‘yung tsikang MINALDITAHAN niya ang beauty queen na si Ganiel Krishnan dahil ayaw niya itong makasama sa dressing room sa nakaraang Miss Manila pageant.
Kahapon sa presscon ng launching movie nila ng ka-loveteam niyang si Julian Trono na FanGirl FanBoy ay nilinaw ni Ella na hindi siya namimili ng makakasama sa dressing room.
Ayon kay Ella, nag-tweet na mismo si Krishnan na hindi siya ‘yung tinutukoy sa pa-blind item na tweet nito, na sangkot sa insidente ng pagmamaldita sa backstage.
Kaya lang ay may tsika rin na kaya umano nag-deny si Ganiel ay dahil talent na rin ito ng Viva at sinabihan itong manahimik na lang sa isyu.
“Sa totoo lang po, hindi po talaga ako ‘yon. Kasi po, dressing room ko po, kami pong dalawa (ni Julian) magkasama. Tapos, buong P-Pop Generation po, magkakasama.
“Mga bagong group of talents po ‘yon (ng Viva). So, siguro nasa bente kami sa isang ganito kaliit na dressing room.
“And hindi ko po siya (Ganiel) nakita nu’ng gabing ‘yon. Sa totoo lang, hindi ko po siya nakita nu’ng gabing ‘yon at nagulat ako na merong lumabas na ganu’ng isyu.
“Kasi, sabi ko, ‘Bente kami, ipagdadamot ko pa ba ‘yung isang tao na gustong makipagsiksikan sa akin?’
“Hindi po ako ‘yon at saka alam ko na she tweeted na hindi ako ‘yon. Kasi, hindi naman talaga ako,” bulalas ng 21-anyos na Viva star.
Ang sabi-sabi ay may iba pang insidente na pati ang madir ni Ella ay hinaharang ‘yung mga makakasama niya sa dressing room.
Ayaw niya ba na may kasama siya sa kuwarto?
“Gusto ko nga po na may kasama, eh. Para meron po akong bagong kaibigan,” napapangiting sagot ng petite na dalaga.
“At saka ako, hindi naman po ako ganu’ng klaseng tao na gusto ko, isolated lang. Tama ba? Na ako lang mag-isa?
“Mas gusto ko na meron akong nakakausap. Hindi po totoo ‘yon.”
So, hindi totoong maldita siya? Baka kasi mamaya, ‘pag nag-hit ang FanGirl FanBoy nila ni Julian, magbago na siya at magmaldita na siya, ha?
“`Yun naman po ang sinasabi sa bawat artista, maldita po, eh. Pero hindi naman po natin maiiwasan ‘yon.
“At saka ako, sinabi ko na rin po sa lahat ng taong nakapaligid sa akin, hindi ako magbabago.
“At kung darating man sa point na ‘yon, puwede n’yo akong batukan. Puwede n’yo akong saktan. Oo, kung gusto n’yo!
“Kasi ako, ang tagal ko na po dito sa showbiz. Natutuwa po ako sa mga sobrang malalaki nang artista na ang dami nang na-achieve sa buhay, pero mapagkumbaba pa rin.
“Kasi, doon mo makikita na naa-appreciate nilang tunay ‘yung mundo na ginagalawan nila at lalong-lalo na ‘yung mga taong tumutulong sa kanila para paangatin sila.
“So, ako po, alam ko sa sarili ko, napalaki ako nang maayos ng mga magulang ko at hanggang ngayon, nandiyan pa rin po sila at gagabayan nila ako.
“At ang dami po masyadong nagmamahal sa akin para po magmaldita ako,” sambit pa ni Ella.
***
Ayon sa ka-loveteam ni Ella na si Julian, 6 to 7 years na silang friends dahil una silang nag-work together sa children’s show noon ng GMA na Tropang Potchi.
As in mga bata pa lang ang JulianElla ay magkaibigan na sila.
Ngayon ay hindi pa sila at ayaw nilang sabihin na sila dahil hater sila pareho ng mga pam-promo lang na relasyon.
Ani Julian, ayaw nila na niloloko ang mga tao. So, they keep the friendship at ine-enjoy nila ‘yung process.
“Right now, kung anuman po ‘yung nakikita n’yo, ‘yun lang po ‘yon talaga.
“Right now, we’re not exclusively dating. ‘Yun po, eh. Rather than any relationship or anything, mas masarap po kasing i-keep ‘yung friendship muna.
“At kung du’n man kami mapunta, hindi naman po namin mapipigilan ‘yon.
“At saka nae-enjoy po muna namin ‘yung work. Maraming work, opportunities. Sayang kung uunahin namin ‘yung nararamdaman namin,” katwiran ni Julian.
Sa September 6 ang showing nationwide ng FanGirl FanBoy mula sa Viva Films at N2 Productions.