SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique — Halos maiyak sa saya si Elma Muros-Posadas nang tawagan ni Department of Education Assistant Secretary Tonisito Umali para ihatid ang balitang ang trackster ang napili bilang unang Lifetime Achievement Award recipient sa DepEd 60th Palarong Pambansa.
Inamin ni Elma, sa pamamagitan ng kanyang asawa na si national track and field coaching staff Jojo Posadas sa panayam sa mobile ng TONITE kahapon pagkalapag ng magkabiyak sa Zambales Sports Coomplex sa Iba. Sinamahan ng mag-asawa ang ilan nilang Jose Rizal University-Kalentong athletes sa National PRISAA Games.
“Nakita ko siya (Elma) na mangiyak-ngiyak habang may kausap sa cellphone na alam kong si ASEC Umali. Sabi niya naluluha siya sa sobrang saya dahil nga sa siya ang unang Palaro Lifetime Achievement awardee,” kuwento ni Jojo.
Mahigit dalawang dekadang naging national athlete si Muros-Posadas na wagi ng record 15 Southeast Asian Games gold medals kasalo ang isang Burmese tampok ang pagiging eight-time women’s long jump queen.
Nagretiro noong 2001, agad siyang naging accomplished coach din sa paggiya sa UE sa tatlong UAAP team championships bukod pa sa JRU sa NCAA.
Tatanggap si Elma ng plaque, trophy at P50,000 cash sa Palaro Opening Ceremonies mamayang 3:00 p.m.-5:00 sa Binirayan Sports Complex dito.