tonite-pak-allan-dionesLumala na ‘yung isyu ng pananakit umano kay Janella Salvador, na ang pinagbibintangang may kagagawan ay ang rumored boyfriend ni Janella na si Elmo Magalona.

Nagkabati na si Janella at ang inang matagal din nitong nakaalitan na si Jenine Deside­rio at bumalik na si Janella sa poder ng madir niya.

Maliwanag na si Elmo ang tinutukoy ni Jenine na may kagagawan kaya nagkapasa sa braso ang anak niya, na as usual ay sa social media idinadaan ni Jenine.

Nag-tweet pa siya na tinatanong kung magkano umano ang ibinayad ng ina ni Elmo na si Pia Magalona kay Fashion Pulis “to publish a twisted cover up story to clean up her son’s image”.

May inilabas kasing blind item ang nasabing showbiz blogger na tila ang pinatutungkulan ay ang nangyaring insidente sa ElNella at kung paano nagkaroon ng pasa si Janella.

Ang problema lang sa ginagawang social media rants na ito ni Jenine ay ginawa rin niya ito noon kay Janella nu’ng panahong may tampuhan sila at masama ang loob niya sa kanyang anak.

Ilang beses niyang pinasaringan, sinermunan at sinabihan ng kung ano-ano ang anak niya noon sa social media, kaya ‘yung iba roon ay ibinabalik sa kanya ngayon ng mga netizen.

Isang netizen ang nag-tweet sa kanya na ang sabi, hindi lahat ng problema ay ipinapaalam sa buong mundo dahil lahat naman ay puwedeng pag-usapan para maayos nang personal. Kesa lahat ng tao ay nakikisawsaw kahit hindi alam ang tunay na pangyayari.
Sagot dito ni Jenine, “We’ve been quiet kahit anak ko na tinulak palabas ng van at nahulog sa kalye. Pero para baligtarin pa kami, ibang usapan na ‘yan.”

Medyo matindi ‘yung akusasyon na ‘yon, pero sa pagsagot sa Twitter comment lang ito idinaan ni Jenine at hindi nito diretsuhang tinawag ang atensyon ni Elmo.

May isang netizen na nagtanggol kay Elmo at sinabi nitong kung totoong hinulog sa van si Janella ay pilay at galos ang makukuha nito, hindi lang pasa.

At kung totoo raw na hinulog ito sa van at sinaktan, bakit daw nakapag-“ASAP” pa si Janella the next day at nakanood pa ng concert ng Dua Lipa that week?

Puwede raw sabihing professional si Janella kaya nag-report pa rin ito sa “ASAP”, pero bakit hindi ito paika-ika at nagalaw pa nito nang maayos ang braso sa ganu’n ka­laking pasa, kung totoo ngang tinulak ito sa van at nahulog sa kalye?
May humirit doon sa Elmo defender na karamihan sa mga nanay ay napagsasalitaan talaga ng masasakit ang anak bilang magulang, pero ayaw ng mga ito na may mananakit na iba sa kanilang anak.

Sagot ng tagapagtanggol ni Elmo, “Ang ‘di ko talaga maintindihan, bakit ipapahiya ang anak sa socmed at bakit ganito ka-serious, dinadaan sa socmed? Bakit ‘di na lang mag-file ng case para magkaalamanan na?

“Lahat ng sinasabi dito opinion lang walang confirmation dahil ang mismong na-issue tahimik.”
In fairness, may point ito, ha?

May humirit pa rito na nanay daw si Jenine, so kahit nagkakasagutan sila ni Janella ay nanay pa rin ito.

“Nanay na parating may issue kahit sa anak niya? Kung totoong si Elmo may gawa, why not file a case? Du’n magkakaalaman kung sino nagsasabi ng totoo, ‘di sa socmed lang,” buwelta ulit ng tagadepensa ni Elmo.

May punto talaga ito, ‘di ba? Bakit sa social media ka magngangangakngak kung puwede namang gawing pormal ang reklamo para mabigyan ito ng kaukulang aksyon?

Ang sabi pa ng Elmo defender, marami rin kasi ang gustong malaman kung ano’ng totoo.

Kaya lang, dahil sa mga ganu’ng patutsada sa social media ay may napapasama dahil sa isyu at hindi pa man ito napapatunayang guilty ay ito na agad ang sinisisi.

Kami man ay gusto naming malaman kung ano nga bang totoo sa kuwentong ito.
Kahapon ay nag-message kami kay Pia Magalona kung may gusto itong sabihin o kung may statement ba si Elmo hinggil sa isyu, pero wala pa itong sagot sa amin.
***

Wagas ang pananakit kay Bea

Kinakaawaan ng mga Kapuso viewer si Bea Binene dahil sa pang-aapi rito ni Bing Loyzaga sa daytime drama series na “Kapag ­Nahati Ang Puso”.

Sagad sa buto kasi ang kasamaan dito ng karakter ni Bing na si Miranda at wagas ang pananakit nito sa bait-baitang karakter ni Bea na si Claire.

Forte ni Bing ang pagmamaldita at pagiging walanghiyang kontrabida kaya suklam na suklam sa kanya ang mga televiewer.

Marami pang pang-aaping mararanasan ang kawawang si Bea at marami pang maiinit na tagpo ang matutunghayan sa “Kapag Nahati Ang Puso” sa GMA bago mag-“Eat ­Bulaga”.