Dumating ang Philadelphia fans sa Wells Fargo Center na naka-costume ng elves at lumang sweater, bitbit ang mga sign na tanging Christmas wish nila ay panalo ng Sixer.

Pinagbigyan sila ni Joel Embiid.

Binully ni Embiid si Giannis Antetokounmpo at ang dumayong Milwaukee Bucks 121-109 nitong Christmas Day.

Nambarako si Embiid ng 31 points at 11 rebounds sa unang Christmas game ng 76ers sa nakalipas na 31 years.

Nakisawsaw na rin ang ibang teammates ni Embiid at naging trigger-happy sa 3-point land ang Sixers.

Limang 3s ang ibinaon ni Tobias Harris, tig-apat sina Josh Ri­chardson at Furkan Korkmaz. May 3-pointer din si Embiid sa franchise record-tying 21 3s mula sa 44 tries ng Philly.

Sa isang eksena, nasa ilalim ng basket si Embiid nakataas ang mahahabang kamay habang paatake si Antetokounmpo. Sinalo ni Embiid ang contact at sinampal ang bola palayo sa mga kamay ni Antetokounmpo.

“A lot of people have kind of forgotten who I am,” giit ni Embiid. “When I’m needed, I’m going to show up.”

Nagpakilala siya, sa national television pa para iwasiwas ang NBA-best Bucks (27-5). (VE)