Emergency power sa baha at traffic

Kung si Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang masusunod dapat magkaroon ng hiwalay na emergency powers si Presidente Rodrigo Duterte para malutas ang monster traffic at ang nakakatakot na pagbaha na dulot ng malalakas at tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan.

Dahil sa sobrang nakaka-stress na perwisyong hatid ng matinding traffic kumbinsido ang lider ng Senado na talagang matindi na ang pangangailangan na maipasa ang panukalang mapagkalooban ng emergency powers si Pangulong Duterte.

“Opo (kailangan na ng e-powers) kasi kahit na nu’ng tag-init, summer e natatrapik na rin tayo dyan sa EDSA at mga major highways ng Metro Manila and then ang kuwento sa akin ng mga taga-Cebu ganu’n din naman sa Metro Cebu at nag-uumpisa na rin sa ibang mga lugar.

So, ‘yung matinding traffic kagabi (Biyernes, Agosto 12) dala na rin ng the usual traffic plus the ulan and the baha.

So siguro sa emergency powers mayroon ding nag-isip naman ng sepa­rate measures para i-address naman ang pagbaha, iba naman po ‘yun, ibang isyu naman,” pagpapaliwanag ni Pimentel sa isang panayam sa radyo kahapon ng hapon.

Iginiit ni Pimentel na mas magiging mabisa ang e-powers kung mayroon nito para sa traffic at hiwalay na para naman sa problema ng pagbaha.