Emosyon sa ECQ

Alam kong sawang-sawa na kayong umikot sa loob ng bahay. Gabi-gabi kayong nasa Kuwarto Prinsesa. Nagkukulong din sa Banyo City lalo na’t mainit ang panahon. Tama, hindi ba? Wala tayong magagawa. Sa panahon ngayon, kailangan talaga nating tumambay.

Kung ikaw ang tatanungin, ano ang saloobin mo ngayong nakakulong ka pa rin dahil sa umiiral na ECQ o Enhanced Community Quarantine?

Bukod sa pagkabagot, marami akong nakausap na balisa raw sila at hirap dapuan ng antok. Kaya madalas, umaga na kung matulog. Ang ilan naman, stressed na raw dahil hindi alam kung saan hahagilap ng pera.

Sampung emotional responses ang lumabas sa survey na isinagawa ng Radyo Veritas sa may 1,2000 respondents na mula sa Luzon kung saan may ipinatutupad na lockdown.

Lima sa sampung emosyon ang positibo – kabilang ang SAFE, HOPEFUL, CONCERNED FOR OTHERS, RELAXED at THANKFUL. Ang natitira pang limang emotional responses, negatibo naman. Kasama rito ang WORRIED, BORED, HELPLESS, SAD at STRESSED.

Tatlong positive emotions ang pasok sa top 5. Una na ang CONCERNED FOR OTHERS na nakakuha ng 27.10%. Ayon sa survey, nagpapakita ito na may pagpapahalaga ang mga tao sa pamilya at mga mahal sa buhay lalo ngayong umiiral ang ECQ. Concerned din daw tayo sa lagay at kapakanan ng mga tinaguriang ‘frontliner’ gaya ng doktor, nurse at iba pang medical personnel.

Samantala, ikatlo naman sa ranking ang negative emotion na WORRIED na nakakuha ng 19.40%. Ibig sabihin, marami sa atin ang nag-aalala sa kalusugan at kabuhayan ngayong may lockdown. Posibleng nagdudulot ng anxiety sa tao ang health crisis na ito. Isama pa ang pangambang baka mawalan ng trabaho dahil apektado rin ng COVID-19 ang mga negosyo.

Sa kabuuan, mas malaki pa rin ang nakuhang porsiyento ng positive emotional responses na may 68.6% kumpara sa mga negatibong emosyon na may 31.4%. Patunay lang daw ito na mas marami pa ring Pinoy sa Luzon ang positibong mapagtatagumpayan ng bansa ang laban sa nakamamatay na sakit.

Ika nga nila, virus ka lang, Pilipino kami!