Nabuking ang ginawang pagpapalaglag ng isang 27-anyos na dalagang machine operator matapos utusan ang utility man ng kanilang kompanya sa Makati City na itapon ang kanyang fetus na nakalagay sa isang bag kahapon ng umaga.
Agad naaresto ang dalaga na nakilalang si Maria Shyneel Santos, nagtatrabaho sa isang kompanya sa Pasong Tamo Extension, Brgy. Magallanes, Makati City.
Base sa ulat na nakarating kay Makati Police chief Sr. Supt. Rogelio Simon, dumaing ng labis na pananakit ng tiyan si Santos sa kanilang department head na si Ronanne Bernabe noong araw ng Lunes bago nakitang nagtungo sa comfort room.
Nakiusap pa umano ang dalaga kay Bernabe na pahiramin muna siya ng damit at bag na kaagad namang tinugunan ng department head.
Makalipas ang halos dalawang oras, napansin ni Bernabe na labis na nanghihina at namumutla si Santos nang lumabas mula sa comfort room kaya’t pinayuhan niya itong magpahinga at huwag munang magtrabaho.
Kahapon ng umaga, inutusan ni Santos ang kanilang utility man na si Michael Bautista na itapon ang nangangamoy nang basura sa kanyang tanggapan.
Ngunit bago ilagay ni Bautista sa garbage area ang ipinapatapon ng dalaga, naisipan niyang bulatlatin ang bag dahil sa kakaibang amoy at doon tumambad sa kanya ang isang fetus na naaagnas na.
Isinumbong ni Bautista sa kanilang department head ang natuklasan na nagresulta sa pagkakaaresto kay Santos.
Nakakulong ngayon ang dalaga sa Makati Police Station at sasampahan ng kasong abortion sa piskalya.