Sugatan ang isang ginang makaraang saksakin ng kanyang live-in partner dahil lamang sa text message na binura ng biktima sa kanyang cellphone habang sila ay nasa trabaho sa isang mall sa Calamba City, Lunes ng hapon.

Saksak sa dibdib at sa kamay ang tinamo ng biktimang si Bendal Nazarrea, 35, empleyado ng IMall sa Brgy. Canlubang, Calamba City.

Nasakote naman ng mga security guard ng mall ang suspek at ka-live in ng biktima na si Franklin Clapis Calañada, 51, utility worker.

Sa imbestigasyon, nagtalo ang dalawa habang nasa employee entrance ng mall matapos umanong burahin ng babae ang text message sa kanyang cellphone.

Nagalit at nagselos umano ang suspek nang hindi ipabasa ng ka-live in ang natanggap nitong text message kaya nang makakita ng kutsilyo ay dalawang beses inundayan ng saksak ang biktima.

Sa ngayon ay ginagamot pa sa ospital ang ginang. (Ronilo Dagos)