Empleyado ng DA, 2 pa timbog sa pagtutulak ng shabu

Arestado ang tatlo katao, kabilang ang isang empleyado ng Department of Agriculture (DA), na tulak umano ng iligal na droga habang aabot sa P178,000 na halaga ng shabu ang nasamsam sa kanila sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Tayabas City, Quezon Sabado ng hapon.

Ayon kay P/Maj. Mark Amat, hepe ng Tayabas City PNP, gamit pa ng mga suspek na sina Oliver Salvatiera Vergineza, 41, nagtatrabaho bilang admin 2 ng DA Region 4-A, Michael EM Ramos, 43, at Ronald Pat, 43, pawang residente ng Siniloan, Laguna, ang Isuzu Crosswind na may red plate na SKF 875 na nakarehistro sa DA Region 4-A nang madakip ang mga ito.

May nakapaskil pa na pass sa salamin ng sasakyan na nagsasaad na ‘skeletal workplace COVID-19 Task Force Department of Agriculture 4-A’, sa ginamit na sasakyan ng mga suspek.

Nabatid na dakong alas-5:30 ng hapon nang magsagawa ng anti-illegal drugs operation ang mga tauhan ng Tayabas City Police laban sa mga suspek sa Brgy. Matuena ng lungsod na ito.

Isang police poseur buyer ang kumuha ng 5 gramong shabu sa mga suspek gamit ang P8,000 marked money at matapos na magkapalitan ng iligal na droga at pera ay saka inihudyat ang pagdakip sa tatlong suspek.

Hindi na nakapalag ang mga ito nang posasan ng pulisya at bukod sa biniling shabu ay nakuhanan pa ng 10 sachet ng shabu ang mga suspek.

Sa ngayon ay himas rehas na ang mga suspek at nakakulong sa Tayabas City Police detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. (Edwin Balasa)