Swak sa kulungan ang isang empleyado ng Quezon City Hall matapos na maaktuhan ng mga operatiba ng pulisya sa aktong nagbebenta ng shabu Biyernes ng gabi sa naturang lungsod.
Kinilala ni Quezon City Police District director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang suspek na si Christian Ladines, 49-anyos, operation staff ng Quezon City Hall at nakatira sa Brgy. Tatalon ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng tanggapan ni Senior Inspector Jovito Guevarra ng Station Drug Enforcement Unit, inaresto si Ladines dakong alas-9:15 ng gabi sa E. Rodriguez Sr. Avenue sa Brgy. Damayang Lagi matapos na makatanggap sila ng impormasyon na nagkakaroon ng bentahan ng droga sa kanilang lugar.
Rumesponde ang mga pulis sa lugar at naaktuhan nila ang abutan ng shabu sa pagitan ng suspek at isa pang lalaki na mabilis na nakatakbo nang mamataan ang mga awtoridad.
Nahulihan ang suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu, nakumpiska rin sa kanya ang isang motorsiklo at isang cellphone na naglalaman pa umano ng mensahe ng transaksyon nito sa kanyang mga parokyano.
Nakakulong na ngayon ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.