Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer sa pagbabayad sa mga idineklarang holiday ngayong Disyembre.

Sa ipinalabas ni Labor Secretary ­Silvestre Bello III na Labor Advisory No. 19 series of 2018, kaugnay ito sa tamang pagpapasahod sa Dis­yembre 8, 24 at 31 na special non-­working holidays at Disyembre 25 at 30 na regular ­holidays.

Kung ang mga empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na “no work, no pay” ang dapat gamitin maliban na lamang kung may polisiya ang kompanya o Collective Bargaining Agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa mga special holiday.

Dapat umanong bayaran ang empleyado ng karagdagang 30% para sa kanyang arawan na sahod para sa unang walong oras. Habang ang mga empleyado na nag-overtime ng mahigit sa 8 oras ay dapat na bayaran ng 30% ng kanyang orasang kita.
Kung ang empleyado ay nagtrabaho sa araw ng kanyang day off, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% sa unang walong oras at COLA.

Kapag ang mga empleyado naman ay hindi nagtrabaho sa regular holiday, babayaran pa rin siya ng 100% ng kanyang suweldo sa isang araw, gayundin ng kanyang COLA.

Kung nagtrabaho naman ay babayaran ng 200% at COLA at kung nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30% kada oras.