Employment rate ng Cagayan Valley pumalo sa 96%

Ipinagmalaki ng regional office ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Cagayan Valley ang mataas na employment rate ng nasabing rehiyon.

Sa kanyang ulat kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni DOLE Region 2 director Atty. Sarah Bueno Mirasol na 96% ang employment rate ng Cagayan Valley ngayong 2019 habang 3.1% naman ang unemployment rate.

Ayon kay Mirasol, bahagyang mataas pa rin ang underemployed na nasa 15.5% lalo na sa agricultural sector.

Aniya, bukod dito, malaki ang job mismatch sa retail service na isa sa kanilang tinutugunan.

Samantala, inihayag din ni Mirasol na libo-libong manggagawa ang kailangan ngayon ng Japan na kinabibila­ngan ng caregiver, food service, construction, accommodation industry at agriculture sector.

Ito’y matapos aprubahan ang bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan para sa mga Pilipino na nais magtrabaho sa naturang bansa. (Allan Bergonia)