Aminado ang Kapamilya actor na si Enchong Dee na very vocal siya pagdating sa paglalabas ng kanyang mga saloobin sa social media lalo na sa mga importante at napapanahong kontrobersyang kinakaharap ng bansa.
Katunayan, ilang beses na siyang na-bash kasama na ng mga Duterte fan dahil umano sa pagbatikos niya sa mga isyung panlipunan.
Nabansagan din siyang dilawan at naging biktima ng panlalait sa social media.
Ang ilan naman ay nagsasabing kulang siya sa pansin at mahilig makisawsaw sa mga isyu.
Gayunpaman, hindi raw niya minamasama ito bagkus ayaw raw niyang magpaapekto sa mga batikos sa kanya.
“This is a democracy. May karapatan tayong sabihin kung ano ang gusto nating sabihin,” ani Enchong. “Pilipino naman ako bago ako artista. Hindi naman porke’t artista kami, wala na kaming karapatang magpahayag ng aming damdamin.
Hindi naman pakikisawsaw sa isyu iyong makialam ka dahil karapatan at tungkulin mo iyon bilang mamamayan lalo na kung may gusto kang ipaglaban,” dugtong niya.
Sa kabilang banda, vocal naman si Enchong sa pagsasabing isa si Janine Gutierrez, ang leading lady niya sa Elise, sa mga hinahangaan niyang artista.
“She’s a natural actress. Napakagaan niyang katrabaho at wala kaming ilangan. Iyong level ng comfort namin kumpara noong una kaming magsama sa Lila, kakaiba,” sey niya.
Ang naturang pelikula ay Valentine treat ng Regal Entertainment simula sa Pebrero 6.