Lumagok si Simon Enciso ng 23 points, 5 assists, 4 rebounds, at steal upang bisigin ang Alaska Milk sa banderang tapos na pagla­ngo sa Barangay Ginebra San Miguel, 104-78, Linggo ng gabi sa 44th PBA 2019 Philippine Cup elims sa Ynares Center-Antipolo City.

Umagapay sa Aces guard 20 markers, 8 feeds at 6 boards at stl. si Chris Banchero upang habang may tig-12 pts. sina Carl Bryan Cruz at Chris Exciminiano.

Angat ang matitikas na mga maggagatas sa 3-2 para sumampa sa tersera sa team stan­dings, nakabawi sa 94-80 loss sa Phoenix Pulse noong Biyernes, Mar. 1.

Maagang bumutas sina Enciso at Banchero upang hindi papormahin ang wala sa pormang Gin Kings na galing sa tatlong linggong pahi­nga para sumadsad sa 3-3, akma para sa ika-6 na puwesto.

Hindi man lang umal­ma ang crowd darlings, na natambakan ng hanggang 30 puntos na kinalagot ng kambal na ragasa.

Huling umaksyon pa ang Ginebra nang seng­lutin ang Blackwater, 85-67, noong Peb. 9 sa Davao del Sur Coliseum.

Nasayang ang doble-dobleng kayod nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter. Nagpader si Aguilar ng 17 pts. at 11 rebs. habang may 15 at 14 si Slaughter.