Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na huwag nang pagdiskitahan ang sugal na ‘ending’ dahil larong pangmahihirap lamang ito.
Sa kanyang talumpati sa 118th Police Service Anniversary ng PNP na ginanap sa Camp Crame, Biyernes nang hapon, sinabi ng Pangulo na hindi naman malakihan ang taya sa ‘ending’ o ‘last two’ kaya’t hayaan na lamang ang mga ito.
Sinabi ng Pangulo na kapag may naghuli ng nagpapataya sa larong ending ay ang pulis mismo ang pagbabayarin nito ng piyansa ng kanilang inaresto.
Pero ibang usapan na aniya kapag ang palarong ending ay pinapatakbo ng mga sindikato o kaya ng mga hustler dahil kailangang pakialaman na ito ng mga awtoridad.
Parehas din ang posisyon ng Pangulo sa video karera na aniya ay pabayaan na lamang dahil walang maibigay na trabaho sa mga mahihirap na Pilipino.
Kapag aniya hinigpitan ang lahat ng uri ng sugal sa bansa, tiyak na ang kapalit nito ay ang pamamayagpag ng iligal na droga.
“‘Yung mga machines diyan, hayaan na ninyo, wala tayong maibigay na trabaho eh… and besides sabi ko dito sa STL and lotto, there is already an existing organization. You create a vacuum, drugs will come in. ‘Yan ang mahirap,” wika pa ni Pangulong Duterte. (Aileen Taliping)