Energy security isinusugal din sa China

Magdalo by Gary Alejano

Pati ang energy security ng ating bansa ay isinusugal ni Pangulong Duterte dahil sa pagyuko niya sa China kapalit ng mga pautang.

Bago pumasok ang administrasyong Duterte, desidido ang Pilipinas na makakaha­nap ng natural gas sa ilalim ng Recto Bank o Reed Bank na bahagi ng teritor­yong idineklara ng UN Permanent Court of Arbitration (PCA) na pag-aari ng Pilipinas. Tini­tingnan ang potensiyal ng Recto Bank dahil sa loob ng susunod na anim na taon mula ngayon ay mauubos na ang natural gas ng Malampaya gas field. Sa datos ng US ­Energy Information Administration mayroong tinatayang 14 trillion cubic meters na natural gas at 16 billion hanggang 33 billion bariles ng langis sa West Philippine Sea. Malaki ang maitutulong nito para masiguro ang energy security ng ating bansa.

Subalit dahil sa oposisyon ng China, hindi matuloy-tuloy ang eks­plorasyon sa Recto Bank mula pa noong 2011. Ang desisyon sana ng UN PCA ang magpapa­tibay ng ating mga kara­patan upang ituloy ang eksplorasyon sa Recto Bank. Sa kasamang pa­lad, mas pinili ng admi­nistrasyong Duterte na balewalain ang mga pa­nalo ng Pilipinas kaugnay sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sang-ayon ako sa mga pananaw ng mga maritime expert na sina Bonnie Glaser ng Cen­ter for Strategic and International Studies for Asia at Gregory Poling ng Asia Maritime Transparency Initiative na pinapahina ng Chinese expansion sa West Philippine Sea ang ating energy security. ­Idagdag mo pa dito ang pagyuko at pagprotekta ng mismong administras­yong Duterte sa mga interes ng China.

Ang mga makukuha natin sa ating mga teritoryo, tulad na lamang ng natural gas sa Recto Bank, ay pakikinabangan ng mga Filipino sa mahabang panahon. Ilang henerasyon ang makikinabang dito. Sa kabilang banda, ang mga loan na kapalit naman ng pagiging sunud-sunuran ng administras­yong Duterte sa China ay panandalian lamang ang magiging tulong. Bukod pa dito, wala pa ring kasiguraduhan ang mga loan na ito na maaari ring maglubog sa atin sa utang. Hindi na nga tayo ang makikinabang sa a­ting mga likas na yaman, tayo pa ang malulubog sa pagkakautang.

Sarado ang isip ni Duterte sa kapakanan ng mga susunod na he­nerasyon na Filipino. Ang isang tunay na lider ay hindi lamang nakatingin sa kasalukuyan kundi sa hinaharap ng buong bansa. Subalit taliwas ang nasasaksihan natin nga­yon sa administrasyon. Si Duterte ay patuloy ang pag-utang ng bilyon-bil­yon sa China pero sa huli, mga susunod na heneras­yon ang magbabayad at mahihirapan. Ganyan ba ang lider na may tapang at malasakit para sa mga Filipino? O baka naman para sa China?