Enforcer niratrat habang nagta-traffic

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang traffic enforcer habang nagmamando ng trapiko sa ginaganap na fun run sa C5 Road, Parañaque City kahapon ng umaga.

Sanhi ng dalawang tama ng bala mula sa ‘di pa mabatid na kalibre ng baril, hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Parañaque ang biktimang si Armando Sabado y Dela Cruz, 47-anyos, nakatalagang traffic enforcer ng Parañaque City Traffic Bureau at taga-Barangay Don Bosco, ng nasabing lungsod.

Sa report ni Police Col. Robin Sarmiento, alas-6:55 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng Rotary Homes sa C5 Road Ext., Brgy. La Huerta Parañaque City.

Sa imbestigasyon, habang abala sa pagmamando ng trapiko ang biktima sa Fun Run ng mga estudyante ng Parañaque City College ay biglang sumulpot ang dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at pinaputukan ng back ride ang una. Nang duguang bumulagta ang biktima ay mabilis nang tumakas.

Agad naman isinugod ang biktima ng mga nakakita sa insidente sa nasabing pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay sanhi ng tinamong bala sa dibdib nito.

Patuloy pa ring ina­alam ang motibo ng ginawang pamamaril sa biktima. (Armida Rico)