Mukhang nagiging contender na sa PBA Governors’ Cup ang Mahindra.
Sa unang game sa Smart Araneta Coliseum kagabi, naligtasan ng Enforcers ang kulang sa taong GlobalPort, 108-98, para ekisan ang ikalawang sunod na panalo at makibuhol sa maagang liderato ng season-ending tournament.
Naglista si James White ng 28 points at 20 rebounds para giyahan ang Mahindra sa follow-up win sa 100-92 overtime upset sa Star noong Biyernes.
Ngayon lang inumpisahan ng team ang conference sa 2-0 sapul nang pumasok sa PBA bago ang 2014-15 season bilang Kia Sorento. Ayon kay Chris Gavina, tinapik bilang chief lieutenant ni player-coach Manny Pacquiao, players niya ang gumana rito.
“Our guys just wanted it more,” ani Gavina, ipinanganak sa Pilipinas pero lumaki sa New Jersey. “Before the game, in our Viber group, I sent out a message that read: ‘The difference between good teams and great teams is heart’ to quote Michael Jordan. Our team showed great heart today.”
Laglag sa 0-2 ang Batang Pier kasama sa ilalim ang Phoenix.
May stomach flu si GlobalPort star guard Terrence Romeo, may left ankle sprain si Joseph Yeo. Nasa injury list din ng Batang Pier sina Jay Washington (calf) at Rico Maierhofer (knee).