Engagement ring ni Derek kay Gloria, P50 milyon

Kapag mahal mo ang isang tao, kahit ano ibibigay mo. Kahit gaano kamahal, gagawan mo ng paraan.

Ang pagmamahal ni five-time NBA champion Derek Fisher para sa mapapangasawang si Gloria Govan, milyones ang katumbas.

Kahapon, ibinalita ng TMZ Sports na binigyan ng former Los Angeles (LA) Lakers star point guard ng US$1 million (lampas P50 milyon) na engagement ring ang nobyang si Govan, na dating misis naman ng kakampi ni Fisher sa La­kers na si Matt Barnes.

Ayon pa sa TMZ Sports, mismong si Fisher ang nagdisenyo ng 7.5 carat diamond ring mula sa LA-based jeweler na Bony Levy.

Taong 2015 pa nagde-date sina Fisher at Govan, panahon kung saan ay nagkasuguran pa sila ni Barnes dahil ‘inaaswang’ daw ng kanyang kakampi ang dating maybahay.

Lahat ito ay tapos na dahil ayos na kay Barnes ang relasyon nina Fisher at Govan.