Dalawang hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group ang patay matapos makaengkuwentro ang mga awtoridad sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-District Special Operation Unit (DSOU), alas-kuwatro pasado ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng San Gabriel Street, Barangay Payatas ng nasabing lungsod.

Nagsagawa umano ng surveillance ang mga tauhan ng nasabing himpilan para sa arrest warrant na kanilang isisilbi sa kanilang target na hindi na muna pinangalanan, ngunit bigo silang makita ito sa lugar.

Papaalis na umano ang mga awtoridad nang mamataan nila ang dalawang kalalakihan na lulan ng iisang motorsiklo na nagpapaputok ng baril sa hindi pa nila tukoy na tao.

Sisitahin na dapat ng mga awtoridad ang tandem nang paputukan sila ng dalawa. Doon na nagkaroon ng habulan hanggang sa ginantihan na ng putok ng mga awtoridad na nauwi sa agarang kamatayan ng mga suspek.

Hindi pa nakikilala ang dalawang suspek ngunit kinukumpirma pa ang isa sa mga ito kung ito ba ang target ng arrest warrant na isisilbi sana ng pulisya.

One Response

  1. Namputsa naman wala pang identification ang mga napatay pero suspetsa na kaagad na gun for hire daw. Di ba pwedeng pagsuspetsahan na holdupper? Dead men tells no tales.