Dalawang pusher ang magkasunod na napatay ng Bocaue PNP sa pagitan ng dalawang oras habang nadakip ang kinakasama ng isa sa mga ito makaraang ipasailalim sa buy-bust operation na nauwi sa engkuwentro sa Barangay Batia, Bocaue, Bulacan kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang mga napatay na sina alyas ‘Hapon’ at Melchor Bantilan Jr., alyas ‘Victor’, 33-anyos,kapwa residente ng Barangay Batia ng nasabing bayan na namatay sa pinangyarihan ng insidente habang dinakip ang kinakasama ni Bantilan na si Irene Maglente, 43-anyos, at residente din sa lugar.

Ala-una ng madaling-araw nang magsagawa ng unang buy-bust operation ang pulisya sa Barangay Batia, Bocaue ngunit nakatunog si alyas ‘Hapon’ na pulis ang katransaksyon kaya sumakay ito sa kanyang motorsiklo saka pinaputukan ang pulis na naging sanhi ng palitan ng putok na kaagad nitong ikinasawi.

Dalawang oras ang nakalipas ay muling magsagawa ng buy-bust operation ang Bocaue PNP sa Block 93 Lot 3, Saint Martha, Barangay Batia at kasahan din ng suspek na tulak na si Bantilan ang awtoridad nang matunugang pulis ang binentahan niya ng shabu kaya napatay din ito sa engkuwentro habang inaresto ang kanyang kinakasamang si Maglente.