Nauwi sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya laban sa isa umanong pusher kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Idineklarang dead-on-arrival sa Pasig City General Hospital sanhi ng tama sa katawan ang suspek na nakilalang si Mario Valdez, alyas ‘Estong’, nasa hustong gulang, ng Barangay Pinagbuhatan ng nabatid na lungsod.
Ayon kay PO3 Danilo Damasco ng Pasig City police, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong ala-1:45 ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa suspek sa Ferrer Compound ng nabatid na barangay.
Nauna rito, nakatanggap ang mga awtoridad ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya’t ikinasa ang buy-bust operation laban sa kanya.
Nagpanggap na poseur buyer si PO1 Grant Warren Ilagan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at bumili ng P300 halaga ng shabu mula sa suspek subalit nakahalata umano ang suspek na pulis ang ka-deal kaya bumunot ito ng baril at inasinta ang poseur buyer na si Ilagan na nakailag habang bumulagta naman ang suspek.