Engkuwentro sa drug bust, 3 patay

Patay ang tatlong katao matapos na puma­lag sa mga alagad ng batas sa ginawang anti-drug o­peration ng Caloocan City Police (CCP) sa na­sabing lungsod kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ay ganap umanong ala-una ng madaling-araw nang magkasa sila ng buy-bust operation kung saan ay target nilang mahuli ang suspek na si Reggie Sarmiento sa Maypajo, Barangay 33 ng nasabing lungsod.

Agad namang kuma­gat sa pain ng mga awtoridad si Sarmiento at nakipagtagpo sa nagpanggap na poseur buyer sa nasabi ring lugar kasama ang dalawa pang inaalam ang mga pagkakakilanlang mga kalalakihan.

Nang magkaabutan na ng marked money at shabu ay mabilis na natunugan ni Sarmiento na mga alagad ng batas ang kanilang katransaksyon dahilan upang bumunot ito ng baril at paulanan ng bala ang pulisya.

Naggantihan ng putok ang magkabilang grupo na nauwi sa agarang kamatayan ng tatlong suspek.

Samantala, isang baril na inaalam pa ang kalibre at mga hinihinalang shabu ang narekober ng Scene Of the Crime O­peratives (SOCO) sa mga labi ng biktima, samantala tatlong mga katao rin ang naaresto ng mga awto­ridad sa nasabing operasyon.