Enhanced community quarantine sisiw kina Bong, Jinggoy

Sa mga ganitong panahon na matinding ipinagbabawal ang paglabas ng bahay bilang bahagi ng enhanced community quarantine ay nagbalik sa aming alaala ang mahabang panahong ipinamalagi sa piitan nina dating Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla.

Halos limang taon silang namalagi sa PNP Custodial Center. Sisikat at lulubog ang araw na nandu’n lang sila. Binabantayan ng mga otoridad, nahahalinhan lang ng saya ang lungkot kapag meron silang mga dalaw, indahin pa kaya ng magkaibigang aktor-pulitiko ngayon ang enhanced community quarantine?

Sisiw na sisiw na nga lang siguro para sa kanila ngayon ang pananatili lang sa loob ng kanilang mga tahanan. Ano ang binatbat ng house arrest na pinaiiral ngayon kumpara sa kanilang pinagdaanan?

Limang mahahabang taon na para lang silang nasa maliit na kahon. Para silang mga lobo na limitado lang ang pagkilos depende sa kanilang tali.

Gigising sila na walang ibang nakikita sa paligid kundi silang dalawa lang. Sa simula ay kakayanin din siguro natin ang ganu’n pero sa kalaunan ay siguradong kababagutan din natin.

Parang napakabagal ng oras, pero kung kinaya ‘yun ng magkaibigan ay bakit hindi rin natin kakayanin, pansamantala lang naman ang taning na pinagsasakripisyuhan natin?

                                                  Laganap ang takot
Nakakalungkot lang dahil maraming kababayan natin ang pumapanaw, marami pang bilang na dumadagdag, kaya ang takot at pag-aalala ay laganap.

Bukod sa kahenyuhan ng mundo ng medisina ay may isang doktor na kailangan nating alalahanin sa mga ganitong indulto.

Sabi nga, hanggang hindi pa nakalapat ang likod natin sa lupa ay hindi pa tayo makakaalalang tumingala, hindi tayo pababayaan ng pinakamagaling na doktor na ni hindi umiidlip para sa ating mga panalangin.

Kahit mga doktor na may dekorasyon ng mga medalya sa kanilang mga dibdib sa pagtatapos ay hindi muna kikilos hanggang hindi nakapagdarasal.

Sa maraming pagkakataon ay naging saksi kami sa taimtim nilang panalangin na sana, ang kanilang talento ay pangalawa lang, ang paggabay ng Panginoon ang unang-una nilang inaasahan sa operasyon.

Dahil totoo namang kapos na kapos pa rin ang mundo ng medisina, ang siyensiya, para masugpo nang agaran ang COVID-19.

Pero sa isang kumpas lang ng makapangyarihang kamay ay parang pinalis ang mikrobyo sa buong mundo.

Huwag lang tayong bibitiw, kapit lang nang mahigpit, walang imposible sa Panginoon.