Enrile kamamatayan na ang PDAF case

Nagpahiwatig si dating Se­nate President Juan Ponce Enrile na posibleng hindi na niya maabutan ang promulgasyon ng kanyang plunder case dahil sa mabagal na pag-usad ng kaso sa Sandiganbayan.

Ayon kay Enrile, hanggang ngayon ay hindi pa nasisimulan ang presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon sa kanyang kaso kaya’t posibleng abutan na ito ng kanyang kamatayan.

“Hindi pa nauumpisahan ng gobyerno ang presentasyon ng ebidensya nila eh… Siguro patay na ako nu’n,” sagot ni Enrile sa panayam ng DWIZ nang matanong kung matatagalan pa ang kanyang promulgasyon.

Kumpiyansa naman siya na tulad ni dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla ay maibabasura lamang ang kaso laban sa kanya dahil wala namang kinalaman ang mga senador sa implementasyon ng mga proyekto.

Si Enrile na kandidato pa rin sa pagiging senador ay 95-­anyos na.

Ang inaalala lamang aniya niya ay ang kanyang dating chief of staff na si Atty. Gigi Reyes na hanggang ngayon ay nakakulong.
Umaapela aniya siya sa gobyerno na kung maaari ay mabigyan ng pagkaka­taon si Reyes na makapag­lagak ng ­piyansa at makalaya ­pansamantala.

Si Enrile ay kinasuhan ng plunder at graft sa Sandiganbayan dahil sa pagbulsa umano ng P172 milyong Priority Deve­lopment Assistance Fund o pork barrel fund sa pamamagitan ng pekeng non-government organization ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.