Ensayo ng Gilas nakansela – Guiao

Ensayo ng Gilas nakansela - Guiao

‘Di natuloy ang naka-iskedyul na Gilas Pilipinas practice kagabi sa Meralco Gym sa Pasig.

Ayon kay coach Yeng Guiao, iilan lang ang makakapunta sa ensayo kaya minabuting kanselahin na.

Lunes at Huwebes na ang praktis ng Nationals, sa susunod na buwan ay planong araw-arawin habang papalapit ang pakikigiyera sa 18th FIBA World Cup 2019 sa China sa Aug. 31-Sept. 15.

Nitong Lunes ay nagpakita sa ensayo si Kiefer Ravena, gayundin ang mga inimbitahan sa pool na sina CJ Perez at Robert Bolick. Umayuda rin si Stanley Pringle, sa ilalim ng FIBA ay naturalized Filipino, para may magamit sakaling kailanganin ang dagdag na practice player.

Nag-beg off sa Gilas sina Jayson Castro at Scottie Thompson, nag-eensayo sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Raymond Almazan, Troy Rosario, Poy Erram, Gabe Norwood, Mark Barroca, Marcio Lassiter, Paul Lee at RR Pogoy.

Ayon kay Guiao, ‘di pa sarado ang pinto ng pool. Bukas pa ang national team sa ibang players.

“Pero mag-invite kami isa or dalawa na lang,” ani Guiao. “Ayaw namin masyado dumami ‘yung lineup.”

Kagandahan sa pool, marami sa mga inimbita ang handang magbigay ng kontribusyon.

At nagkakaroon ng kompetisyon sa mga players, lahat gustong magpakita. Positibo ito para sa team.

“There is a rivalry, there is competition. They are challenging each other, fighting for the slots in a positive way,” panapos ni Guiao. (Vladi Eduarte)