Wala na yatang beach resort at tourist destination ngayon ang hindi naniningil ng environmental fee.

Mula sa mga sikat na mga resort hanggang sa kasuluk-sulukan at uncrowded na mga pasyalan ay kumukolekta ng environmental fees sa mga bisita, mapadayuhan man o lokal na turista.

May ilan na nag-iisyu ng mistulang ticket na pang-raffle at may ilan namang nagdedetalye ng environmental fee sa resibo. Pero marami ang wala talagang ibinibigay na katibayan ng pagbabayad.

Marami tuloy ang napapaisip kung napupunta ba talaga sa Department of Environment & Natural Resources (DENR) ang nasabing koleksyon.

Kung nakakarating sa tamang ahensya, mabuti. Pero kwestyunable pa rin ang mga collecting outpost na walang ibinibigay na resibo.

Tanong pa rin sa DENR, paano naman naibabalik sa kalikasan ang mga environmental fees na ito?

Kung lokal na pamahalaan kasi ang naniningil, mas nakakasiguro na sa partikukar na tourist spot gagastusin ang koleksyon [sana nga].

Mahirap kasi kung ilalagay sa national fund ng DENR ang mga koleksyon, malaking problema ang distribusyon ng gastos. Ang bawat resort at tourist spot pa naman ay may kani-kanyang pangangailangan at environmental concerns.

Ang nangyayari pa ngayon, may ilang pasyalan at bakasyunan ang kumukulekta nang doble sa mga bisita.

May singil na ang DENR, meron pa ang local government.

Kailangan ang mabusising auditing nito at dahil sa lawak at yaman ng Pilipinas sa mga tourist destination napahirap masiguro na napupunta sa dapat puntahan ang perang ito na napakalaki rin kung pagsasamahin.

Isang sistematikong koleksyon ang kailangan. Kickback-proof hangga’t maaari at 100% gastusin sa pangangalaga sa kalikasan.