Idineklarang ilegal ng House of Representatives ang Executive Order 340 na ipinalabas ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na naghihiwalay sa puwesto ng Subic Bay Metropolitan Authority chairman at SBMA administrator na kontra naman sa itinatakda ng Republic Act 7227.
Ipinaliwanag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na malinaw sa RA 7227 na siyang bumuo sa SBMA Charter na iisa lamang ang SBMA Administrator na siya ring uupo bilang chairman. Ang nasabing batas umano ay hindi maaaring pangibabawan ng isang EO lamang.
“The President shall appoint a professional manager as administrator of the Subic Authority with the compensation to be determined by the Board subject to the approval of the Secretary of Budget, who shall be the ex officio Chairman of the Board and who shall serve as Chief Executive Officer of the Subic Authority,” nakasaad sa RA 7227.
Bunsod ng kalituhan ngayon sa SBMA resulta ng EO ni Arroyo nais ni Speaker Alvarez na imbitahan si dating Pangulong Arroyo sa kanyang tanggapan sa Hunyo 8 gayundin sina Executive Secretary Salvador Medialdea at dating Executive Secretary Alberto Romulo upang bigyang linaw ang nasabing executive order.