Maglalabas ng executive order (EO) si Pangulong Rodrigo Duterte para bumuo ng Constitutional Commission (ConCom) na unang bubuo ng bagong Saligang Batas na aaprubahan naman ng Constituent Assembly (Con-Ass).
Ito ang isiniwalat kahapon ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez bilang preparasyon sa Charter Change (ChaCha) na mismong ang mga mambabatas na mula sa Senado at Kamara na ang mag-aapruba.
“Maglalabas ng executive order (para sa ConCom),” ani Alvarez kung saan si Duterte rin ang magtatalaga ng mga miyembro ng komisyon na bihasa sa Constitutional Law tulad ni dating Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno, Father Joaquin Bernas, dating Sen. Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., Ruben Canoy, Christian Monsod, Fr. Ranhilio Aquino ng San Beda, at iba pa.
Bibigyan umano ng anim na buwan ang ConCom na pag-aralan ang bagong Saligang Batas at ang resulta ng trabaho ng mga ito ay isusumite naman sa Con-Ass para pagdebatehan at saka aprubahan.
Dahil dito, naniniwala si Alvarez na hindi maaapektuhan ang trabaho ng Kongreso na ngayong buwan na ito ay magiging abala na sa General Appropriation Act (GAA) o national budget para sa taong 2017.