EO sa endo paandar lang ni Duterte – Makabayan solon

rody-duterte

Kinuyog ng batikos ng mga Maka­bayan solon ang ibinidang executive order (EO) ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa “endo” (end of contract) kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa kahapon.

Ipinaliwanag ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na wala namang saysay ang EO sa endo ni Duterte.

“Walang silbi ang EO na nilagdaan dahil ang pagbababawal sa labor only contracting (LOC) ay nasa labor code na. Ang kailangan ngayon ay maglabas ng policy na ipagbawal ang lahat na forms of job contracting,” ayon kay Zarate.

Naniniwala ang kongresista na pakay lamang ng naturang EO na pakalmahin ang galit ng mga manggagawa sa pagtalikod diumano ni Pangulong Duterte sa pangako nitong wakasan ang endo at kontraktuwalisasyon.

Kung ang pinirmahan aniya ng Pangulo ay ang draft EO na isinusulong at naisumite ng KMU-NAGKAISA alliance ito ay malaking tagumpay ng mga manggagawa.

“Pero kung ang nilagdaan ay ang EO na sinusulong ng DTI-DOLE, walang silbi ito. Gusto lang nito pahupain ang galit ng mga manggagawa,” dagdag ni Zarate.

Tinawag naman na “recycled piece of trash” nina Gabriela Women’s Party Rep. Emmi De Jesus at Arlene Brosas ang nasabing EO sa endo.

Hindi umano magpapaloko ang kababaihan sa kapirasong papel na wala namang kabuluhan.

Gumigimik lamang umano ang gobyerno sa paandar na ito.