Tinitiyak ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) na kasado na ang lahat ng kapulisan para sa pagsabak sa All Soul’s Day at All Saints’ Day 2019 ngayong araw (Nobyembre 1) at bukas (Nobyembre 2).

Ayon kay EPD District Director Police Brig. Gen. Johnson Almazan, inatasan na niya ang mga hepe ng PAMaMariSAN (Pasig, Marikina, Mandaluyong at San Juan City) maging ang mga Battalion Commander ng District Public Safety Battalion na magpakalat ng PNP personnel sa lahat ng nasasakupang mga sementeryo, MRT/LRT/Bus terminal, commercial establishment, major thoroughfares at iba pang matataong lugar.

Layunin nito na maiwasan ang anumang krimen at masasamang loob na mananamantala nga­yong panahong abala ang mga tao sa pagbisita sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay.

Tinatayang nasa 2,800 PNP personnel ang ipakakalat sa may 15 nasasakupang sementeryo at dalawang columbaria na katuwang ang mga Barangay Peacekeeping Action Teams, security guard, Medical Teams and Barangay Security Force, NGO at ilang Civic Organization.

Nakatutok sila sa kaligtasan ng mga magtutungo sa mga sementeryo. Naglaan din sila ng Police assistance Desks (PADS) at ilang roving police personnel. (Vick Aquino)