Epektibo ang programa ng gobyerno tungo sa #goodbyegutom

Lalo pang palalakasin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga prog­rama kontra gutom at kahirapan sa bansa matapos na lumabas ang resulta ng survey ng SWS ngayong 3rd quarter ng 2019.

Ikinatuwa natin ang inilabas na resulta ng survey ng Social Wea­ther Stations (SWS), kung saan nasa 42% o 10.3 milyon na pamilya ang kinokonsidera ang sarili bilang mahirap. Mababa ito kumpara sa 45% o 11.10 milyon na pamilya na naitala noong buwan ng Hunyo. Ang 42% self-rated poverty rate ay mas mababa ng anim na puntos kumpara sa four-quarter average noong 2018.

Bumaba rin ang bilang ng mga pamilya na ‘food poor’ na nasa 29% o katumbas ng 7.1 milyong mga pamilya sa bansa. Mas mababa ito sa 8.5 milyong pamilya o katumbas ng 35% na naitala noong Marso.

Ang lumabas na datos ang nagpapatunay na ang gobyerno ay gumagawa ng mga inisyatibo at hakbang upang matugunan ang kakulangan sa pagkain at maisaayos ang pagkakataon sa kabuhayan, pagkakakitaan at abot-kayang pagkain para sa ating mga kababayan.

Ang naturang estadistika ay nagdidikta rin sa atin upang patuloy na pagsumikapan ang pagtitiyak na ang bawat pamilyang Pilipino ay magkaroon ng sapat na kakayahang bilhin ang kanilang panga­ngailangan, lalo na ang pagkain.

Ang record-low inflation rate nitong mga nakaraang buwan, gayundin ang pagbaba sa presyo ng bigas na resulta ng Rice Tariffication Law, ay nakapag-ambag upang bumaba ang bilang ng mga pamilya na nagsasabing sila ay mahirap. Noong Oktubre 2018 ay sumampa ito sa 6.7%, ngunit ngayong Setyembre 2019 ay bumaba ang inflation rate ng 0.9%.

Malaki ang epekto ng mababang presyo ng mga pangunahing pa­ngangailangan kagaya ng bigas na kadalasang binibili ng mga pamilya mula sa kanilang kinikita; kapag mababa ang presyo ng bilihin, mas marami silang napag­lalaanang panga­ngailangan sa kanilang buwanang budget.

Sa tulong ng iba’t ibang ahensiya na lumagda sa Memorandum of Understan­ding (MOU) upang gawing pormal ang kani-kanilang magi­ging papel sa Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Program – isang pinalawak na inisyatibo ng pamahalaan para tuluyang makamit ang #GoodbyeGutom, tiwala tayo na nasa tamang posisyon ngayon ang gobyerno para matugunan ang mga isyu sa kagutuman, kahirapan at iba pang usaping bumabagabag sa atin.

Layunin ng EPAHP na ibsan ang gutom, matiyak na sapat ang pagkain at seguridad sa nutrisyon, at mabawasan ang kahirapan sa mga pamayanan sa mga kalungsuran at mga kanayunan.

Sinisiguro ng inyong kalihim, bilang tagabaston ng mga ahensyang katuwang sa ginaga­wang inisyatibong ito (EPAHP) na lahat ng mga anti-hunger prog­rams natin ay maikokonekta sa iba pang food and nutrition programs ng gobyerno upang maisagad natin ng husto ang pakinabang ng nakararami mula dito. Ang mga kasapi ng E­PAHP na kinabibilangan ng Office of the Cabinet Secretariat DSWD, DAR, DA, DOH, DTI, DILG, NNC, BJMP, TESDA, Land Bank (LBP) at Commission on Population (PopCom) ay sama-samang kikilos para isulong ang whole-of-nation approach upang lalo pang palalakasin ang programa kontra kahirapan at sugpuin ang gutom sa bansa.