Kung kelan na medyo nasasanay na ang mga motorista sa walang puknat na hagupit ng oil price increases, ay biglang kumambyo at hayan na nga, oil price rollback na umabot hanggang P2 sa ilang gasolinahan.
Pakiwari ng ilan ay biglang sumikat ang araw.
Dahil dito sinuspende rin ang implementasyon ng P2 fare hike na hiningi ng ilang jeepney driver-operators’ organizations pati na sa mga bus.
Sa susunod na linggo, sa panahon at pagkatapos ng undas, makakaasa rin tayong mga ka-Moto ng panibago pang rollback!
Bakit nagkaganyan? Tanong ng ilan.
Isa na rito ay ang parati nating tinatalakay na law of supply and demand.
Noong katas-taasan ng presyo ng kalangisan, ay kumambyo rin ang ibang bansa sa pag-oorder ng supply kung kaya’t madali’t salita, ay bumagsak ang demand.
Kapag mababa ang demand ng alin mang produkto, walang magagawa si presyo kung ‘di bumaba rin ito. Ang ibinaba ay 4.42 percent diumano, pinakamababang ibinaba sa loob ng dalawang buwan.
Pangalawa rito ay ang pagkamatay ng isang kapatid natin sa hanapbuhay na si Jamal Khasshogi sa loob ng embahada ng Saudi Arabia sa Istanbul. Kritical si Khasshogi sa kaharian ng SA kung kaya’t inimbitahan ito’t nagkaroon daw ng pagtatalo sa loob na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Syempre, hindi ito nagustuhan ng international community kung kaya’t kumambyo ang ilang bansa sa pag-order ng langis sa SA na tinaguriang No. 1 supplier ng langis sa buong mundo.
Idagdag pa rito ang pagpalo sa kanilang oil reserves ng No.1 oil consumer sa mundo na bansang Amerika sa 9.88 million barrels at nag-slowdown nga ito sa orderan kaya’t naging epekto pa rin ito sa world oil prices.
Ibig sabihin, ang merkado na rin mismo ang didikta sa presyo ng langis.
Nangyari din dati ang tinatawag na oil glut, o oversupply ng langis kung kaya’t halos ipamigay ang kalangisan ng oil OPEC.
Ang pinakamahalaga rito, ay nakahinga ang lahat ng motorista pati na ang mga kapatid nating commuter.
To God be the glory!