Hinala ng isang mister na sinumpong ng sakit na epilepsy ang kanyang misis na na­ging dahilan para aksidenteng malublob ang mukha nito sa balde ng tubig hanggang sa tuluyang malunod habang nasa loob ng banyo sa kanilang bahay sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City Lunes nang umaga.

Kinilala ni P/Capt. Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection ng Quezon City Police District ang nasawing ginang na si April Reales Magtoto, 29-anyos.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/S Sgt. Rhic Roldan Pitong, dakong alas-9:10 ng umaga nang duma­ting sa kanilang bahay ang mister na si Rodelio at natagpuan nito ang kanyang misis sa loob ng kanilang banyo na nakalublob ang mukha sa isang baldeng tubig.

Ayon kay Rodelio, pagdating umano niya sa kanilang tahanan at hindi siya sinalubong ng kanyang misis ay hinanap niya ito sa kuwarto hanggang sa kusina nila.

Nang buksan umano ni Rodelio ang kanilang banyo ay doon na niya nakita ang kanyang misis na nakalugmok ang mukha sa balde.

Isinugod sa FEU Medical Center ang biktima pero idineklara itong dead-on-arrival.

Tumanggi na umanong paimbestigahan pa ni Rodelio ang insidente at sinabing posibleng sinumpong ng sakit na epilepsy ang kanyang misis at sa mismong balde ng tubig bumagsak ang mukha nito at nalublob. (Dolly Cabreza)