Sinumpong umano ng sakit na epilepsy ang ­dahilan ng pagkalunod ng isang 23-anyos na binata matapos itong maligo sa dagat sakop ng bayan ng Libon, Albay kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Mark John Salcedo, binata, isang special child na mayroong sakit na epilepsy at residente ng Barangay Tambo ng nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Francisco Matocinos, may hawak ng kaso, dakong alas-7:30 ng umaga ng matagpuan ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa dagat sakop ng Purok Maya-Maya Barangay Pantao ng nasabing bayan.

Kinumpirma naman ni Nelly Salcedo, 57, na anak niya ang natagpuang bangkay at umalis ito ng kanilang bahay noong Nobyembre 30 upang maligo umano sa dagat.