Makikilahok si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ ­Estrada sa may 135,000 senior citizens sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week ngayong Oktubre 1-7.

Ayon kay Estrada, malapit sa puso niya ang matatanda dahil ang kanyang inang si Doña Mary Ejercito ay umabot sa edad na 103.

“Dito sa Maynila, bawat linggo ng taon ay ­Elderly Filipino Week dahil inuuna namin ang kapakanan ng mga senior citizens higit pa sa kanino o ano pa man,” wika ng alkalde.

Nabatid na noong maupo si Estrada bilang alkald­e noong 2013 ibinalik niya sa mga senior citizens­ ang libreng pagpapaospital, gamot, at checkup, at laha­t ng libreng serbisyo-medikal sa anim na pampublikong ospital at 59 health centers ng lungsod.

Nakakatanggap din sila ng P500 sa kanilang kaarawan. Libre rin silang nakakanood ng sine tuwing­ Lunes, Martes, at Huwebes sa lahat ng s­inehan sa lungsod.

Bukod pa rito, binibigyan din ng pamahalaang lungsod ng espesyal na cash gift na P100,000 ang mga centenarians.

Inatasan ni Estrada si Herminia Salonga, officer-in-charge ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) na siguruhing maibibigay ang lahat ng mga kailangan ng mga senior citizens sa paglahok sa selebrasyon ng Elderly Filipino Week na may temang “Pagmamahal at respeto ng nakababata, nakapagpapaligaya sa nakatatanda”.