Pinasalamatan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang magkakasanib na puwersa ng Manila Police District, Department of Public Services-Task Force Manila Clean Up, City Security Force (CSF), at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa maayos at sistematikong ayuda sa idinaos na Traslacion ng Poong Itim na Nazareno noong Miyerkoles.
Ayon kay Estrada, kuntento siya sa mabilis na pagkilos ng mga tauhan ng Department of Public Services-Task Force Manila Clean Up ni Che Borromeo at CSF chief Capt. Jaime de Pedro sa mga basurang iniwan ng mga walang disiplinang deboto.
Nang lisanin ng Poon ang grandstand at umusad na ang Traslacion, agad sinimulan ang pagwawalis ng kalat sa Quirino Grandstand at mga lugar na dinaanan ng prusisyon.
Umaasa si Estrada na sa susunod na taon ay magkakaroon ng disiplina ang mga deboto na dalhin ang kanilang basura at itapon nang maayos sa mga basurahan.
Pinuri rin niya ang mga tauhan ni MTPB Director Dennis Alcoreza na umayos sa daloy ng trapiko bunsod na rin ng rerouting simula Linggo hanggang maibalik ang Poong Itim na Nazareno sa Basilika nito.
Nagpasalamat din ang alkalde kay Manila Police District Director Sr. Supt. Vicente Danao sa seguridad sa Traslacion at sa mga debotong sumama sa prusisyon.
Walang naitalang casualty sa Traslacion bagama’t may ilang kaso ng pagkasugat at pagkahilo ng mga deboto.