Erap sa FM burial: Respetuhin ang patay

Iginiit ni Manila Mayor­ Joseph Estrada sa publiko at kritiko ang planong pagpapalibing kay dating­ ­Pangulong Ferdinand Marcos na mas makabubuti kung respetuhin na lamang ang isang patay.

“Respetuhin na lang ang patay dahil lahat naman­ tayo ay mga Kristiyano.” Ito ang pahayag ni Estrada bilang reaksiyon sa nakatakdang debate kung dapat nga bang ilibing­ o hindi sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Sinabi ni Estrada, hindi­ na dapat pinag-aawayan ang naturang isyu dahil nakapagdesisyon na ang mga kinauukulan partikular si Pangulong Rodrigo Duterte at mas marami pa aniyang mahahalagang isyu ang dapat na pag-ukulan ng pansin.

“Hindi na dapat siguro­ pag-awayan ‘yan. Tayo’y mga Kristiyano. Mag-move on lang tayo at ilaan ang oras sa mga problema ng ating bansa. Mag-move on na. Kalimutan na ang nakaraan,” dagdag ni Estrada.

Wala rin umanong problema kung magsasagawa ng mga kilos-protesta sa Maynila ang mga tumututol sa paglilibing kay Marcos hangga’t mapayapa ito at may kaukulang permiso ng pamahalaang lungsod.

Si Marcos ay nakatakdang ilibing ng kanyang pamilya sa LNMB sa darating na Setyembre 18, matapos ang kanyang kaarawan sa Setyembre 11.