‘Erap’ todas sa buy-bust

Patay ang isang lalaki na kapalayaw ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada matapos manlaban umano buy-bust operation, kahapon nang madaling-araw sa Sta. Ana, Maynila.

Idineklarang dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang suspek na si Joseph Macato alyas ‘Erap’, nasa hustong gulang at naninirahan sa J. Posadas St., Punta, Sta. Ana.

Sa imbestigasyon ni SPO3 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong ala-1:12 ng madaling-araw sa bahay ng suspek.

Nabatid na ikinasa MPD-Station 6 ang buy-bust matapos makatanggap ng impormasyon na nagbebenta ng iligal na droga ang suspek.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng P300 halaga ng shabu pero nakalahata umano ang suspek na pulis ang kausap at agad na bumunot ng baril saka pinaputukan ito pero nagmintis. Gumanti ng putok ang pulis at tinamaan nito ang suspek.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 baril at 13 sachet ng shabu. (Juliet de Loza-Cudia)