Muli na namang nahagip ang kontrobers­yal na tanggapan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Habang hilahod pa sa pagkakasuspende sa apat na komisyuner dahil sa utos ng Office of the Ombudsman, isinara naman ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang gripo na siyang pinagkukunan ng karagdagang budget ng ERC.

Sa ilalim ng nilagdaang General Appropriations Act (GAA) of 2018, pinagbawalan ni Pa­ngulong Duterte ang paggamit sa kita ng ERC bilang panggastos sa ‘operational requirements’ ng komisyon.

“The ERC should instead make efficient use of its budget and P413.6 million in automatic appropriations,” diin ng Pangulo.

Ang karagdagang budget ng ERC ang isa sa apat na ipina-veto ni Pangulong Duterte sa ilalim ng 2018 GAA.

Ang iba ay ang monitoring expenses para sa mga board members ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB), paniningil ng bayad sa Reacquisition ng Philippine citizenship at ang paggamit ng maintenance and other operating expenses para pambayad sa ibang gastusin ng Department of Education (DepEd).

May mga probisyon din sa 2018 National Budget ang inihanay para sa conditional implementation.

Kabilang dito ang paglikha ng trust fund mula sa mga makokolektang bayad sa express lane ng Bureau of Immigration (BI) sa airport para pambayad sa overtime pay ng mga immigration officer.

Kabilang pa sa vineto ng Pangulo para sa conditional implementation ay ang probisyong may kinalaman sa double programming ng funding sources, universal health insurance coverage funding requirement at iba pa.

Nakasaad sa Konstitusyon na may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na i-veto ang ilang probisyon ng GAA, revenue o tariff law.