Ermat, erpat sinaksak ng anak sa nasirang cellphone

Tinarakan

Dahil sa nasirang cellphone, sa mga magulang ibinunton ng isang 20-anyos ang galit nang saksakin niya ang mga ito matapos magtalo sa perang pampagawa ng nasira nitong gadget sa Ternate, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Ternate Custodial Center ang naburyong na suspek na si John Paulo Mojica, 20, may-asawa, tricycle driver at taga-Sapang 1, Ternate, Cavite matapos ireklamo ng mismong mga magulang nito na sina Joselito, 53 at Paulina Mojica, 55, ng nasabi ring lugar.

Sa ulat ni PSSgt Ernesto Gayyed, ng Ternate Municpal Police Station, dakong alas-12:30 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente sa bahay ng pamilya Mojica kung saan humihingi ng pera ang suspek sa mga magulang nito para ipagawa umano nito ang nasirang cellphone dahil wala itong mapaglibangan ngayong naka-lockdown.

Ayon kay Gayyed, sinabihan umano siya na sarado naman ang pagawaan gayunman pero binigyan pa rin siya ng magulang nito ng P500. Dahil kulang ay humirit pa ang suspek ng dagdag.

Nang wala ng maibigay ang dalawang matanda ay minura umano ito ng anak.

Hindi pa nasiyahan, kumuha pa ng kutsilyo at sinaksak ang mga magulang nito pero mabilis na nakaiwas at humingi ng saklolo na nagreslta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nabatid na humihingi ng tawad ang suspek pero desidido ang magulang nito na sampahan ng kasong attempted homicide para umano matuto ang anak. (Gene Adsuara)