Himalang nakaligtas ang piloto at isa pang sakay ng eroplano mula sa isang flying school sa Plaridel Airport makaraang magkaproblema ang makina nito bago pa man makapag-takeoff saka sumadsad sa kabukiran malapit sa kabahayan sa Barangay Lumang-Bayan, Plaridel, Bulacan kahapon ng tanghali.
Base sa inisyal na impormasyon sa tanggapan ni P/Supt. Laurente Acquiot, Plaridel police chief, hindi naman nasugatan ang piloto at isang sakay ng eroplano na may body number RP C9986 makaraang sumadsad ito mula sa runway ng paliparan patungong kabahayan ngunit wala namang nadamay sa pagsirko ng eroplano.
Hindi na nakuha ang pangalan ng piloto at sakay nito mula sa Philippine Academy In Technology and Sciences Flying School na maayos naman ang naging kondisyon bagama’t nagkaroon ng diprensya ang makina ng eroplano.
Nabatid na mabilis namang nakaresponde ang Plaridel Rescue Team sa lugar ng insidente. Wala rin namang naging pinsala sa paglagpas sa runway ng nasabing eroplano.
Tinangka ding kumuha ng impormasyon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Malolos City ngunit wala silang maibigay na kumpletong detalye sa nasabing insidente.