Patay ang isang ama habang sugatan ang asawa nito makaraang pagtatagain ng sari­ling anak na sinasabing may diperensya sa pag-iisip Lunes nang gabi sa bayan ng Salvador Benedicto, Negros Occidental.

Dead on-the-spot ang biktimang si Helardo Benarao, 55, na nagtamo ng taga sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan. ‘Di pa nasiyahan, inilabas pa ito sa bahay ng kumatay na anak at sinunog pa ang katawan nito.

Kasalukuyan namang inoobserbahan sa pagamutan ang asawa nitong si Sinona Benarao, 58, na nagtamo din ng mga taga sa katawan.

Patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya para sa agarang pagdakip sa suspek na si Jun-jun Benarao, 36-anyos.
Sa ulat ng Salvador Benedicto Municipal Police Station, naganap ang insidente Lunes nang gabi sa loob ng bahay ng pamilya Benarao sa Brgy. Igmaya-an sa nabatid na bayan.

Napag-alaman na nagtalo ang suspek at tatay na si Helardo na nauwi sa pananaga ng anak sa sariling ama.

Sinubukan namang awatin ng ina ang anak sa pananaga nito sa ama subalit siya naman ang pinagbalingan at pinagtataga din sa katawan na masuwerteng nakalabas agad ng bahay kaya nakaligtas.

Matapos mapatay ay inilabas pa ang bangkay ng tatay na binalot sa banig at saka sinunog.

Ayon sa salaysay ng ilang kapitbahay, mayroon umanong diperensya sa pag-iisip ang suspek at posibleng sinumpong ito dahilan para magawa ang krimen.