Erpat tinodas ng tandem, 3-anyos nadamay

Isang tricycle driver na sangkot umano sa illegal na droga ang patay nang barilin sa ulo ng isa sa dalawang di nakilalang lalaking lulan ng iisang motorsiklo na ikinadamay ng 3-anyos na anak sa Lungsod ng Caloocan noong nakaraang Lunes ng gabi.

Sa ulat ni P/S/Supt. Jemar Modequillo, ganap umanong alas-sais pasado ng gabi habang nakaupo sa motorsiklo ng tricycle si Arnold Martinez, 36-anyos, tricycle driver, ng nasabing lugar at nag-aabang ng pasahero kasama ang totoy na anak na nakakaupo naman sa loob ng sidecar sa kahabaan ng Malolos St., Barangay 144, Bagong Barrio nang dumating ang nakamotorsiklong mga suspek na naka-full face helmets, jacket at walking shorts at nang matapatan ang biktima ay biglang pinaputukan sa ulo si Arnold bago nagsitakas.

Nagtatakbo naman pa­labas ng sidecar ang anak nito na nadaplisan din ng bala ngunit idineklarang ligtas na matapos maisugod sa ospital.

Ayon naman sa pulisya ay posible umanong onsehan sa ilegal na droga ang motibo sa pagpatay sa biktima.