Sinalubong ng trahedya ang Bagong Taon ng isang pamilya sa Caloocan City makaraang patayin ng sariling anak sa pamamagitan ng palo ng tubo at suntok ang kanyang ama habang nagpapahinga ito sa loob ng kanilang bahay.

Isinugod pa sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan City ang biktimang si Lito Magbanua, 54-anyos, pero idineklarang dead-on-arrival na ito.

Lumalabas sa imbestigasyon nina SPO1 Junedy Narsica at PO3 Jenny Ryan Rodriguez na nangyari ang krimen dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima sa KNAI, San Vicente Ferrer, Brgy. 178, Sitio II, Camarin ng nasabing lungsod.

Nabatid na nagpapahinga na ang biktima sa kanilang sala dahil sa kalasingan nang dumating ang panganay nitong anak na si Rhenzie Magbanua, 27-anyos, na mayroong bitbit na tubo at bigla na lamang pinaghahampas nito sa ulo ang kanyang ama.

Minumura pa umano ng suspek ang ama at pinagsabihang “Dapat kagabi pa kita papatayin!”

Kahit duguan na at wala nang kalaban-laban ay hindi pa rin tinantanan ng suspek ang ama.

Nang mabitawan ng suspek ang hawak na tubo ay pinagsusuntok naman nito ang ama sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay noon ang kapatid ng suspek na si Rhona Mae Magbanua at narinig nito ang kaguluhan mula sa kanilang sala kaya bumaba ito.

Nang makita ni Rhona Mae na hindi gumagalaw ang ama at duguan ay agad niya itong isinugod sa ospital pero hindi na rin nailigtas pa ang buhay ng biktima.

Naaresto ng mga tauhan ng barangay ang suspek, na tikom ang bibig nang tanungin kung bakit niya nagawang patayin ang ama.

Nabatid na biyudo na ang biktima habang binata pa ang suspek at walang hanapbuhay.
Nakakulong ngayon ang suspek sa himpilan ng pulisya. (Cherk Balagtas)