Eskuwelahan sa Maynila, Parañaque delikado sa lindol

Dalawa lamang sa tinatayang 3,000 gusali at istruktura ng gobyerno sa Metro Manila ang lagpak sa structural integrity test at idineklara bilang ‘condemned’.

Ito ang ipinagbigay-alam ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant Secretary Eugenio Pipo Jr., sa ginanap na Expenditures Oversight hearing ng House Committee on Public Works and Highways kahapon.

Ayon kay Pipo, sa isinagawang pag-iinspeksyon umano nadiskubre na dalawang school building ang delikado at matatagpuan ito sa Tondo sa Maynila at Parañaque.

“We have identified two (buildings) that were condemned,” sabi ni Pipo
Gayunpaman nilinaw ng opisyal na hindi kasama rito ang mga pribadong gusali at istruktura na nakapailalim sa mga probisyon ng National Building Code na ipina­tutupad ng local buildin­g officials.

Tiniyak ni Pipo kay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang miyembro ng Kamara na nakahanda ang DPWH sa pagtama ng sinasabing ‘Big One’ o malakas na lindol.

Nakapagsapagawa na aniya ang DPWH ng ‘vulnerability assessment’ sa lahat ng pampublikong istruktura sa Metro Manila.

“All bridges in Metro Manila have already been assessed,” pagtitiyak nito.
Ayon naman kay DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, prayoridad ng DPWH ang pagsasagawa ng retrofitting sa mga tulay.

Sa susunod na taon aniya ay may nakalaang P5 bilyong budget para sa retrofitting pa lamang ng mga tulay sa buong bansa.

“May budget din for replacement of the bridge­s that really needs already to be replace. Kasi yung retrofitting po is we want to make sure if it’s addresses international seismic standards.(Aries Cano)